Sta. Rosa De Lima Parish, Bagong Ilog Pasig City
Ang Aming Simula
Ayon sa matandang kasaysayan, ang imahen ni Sta. Rosa de Lima ay pag-aari ng isang anak ng Kastila na nagngangalang Doῆa Geronima. Siya ay nagkasakit ng ketong at naninirahan sa isang yungib na nasasakupan ng Bagong Ilog. Sa paglipas ng panahon, ito ay tinaguriang yungib ni Doῆa Geronima at iniiwasan ng mga tao dahil sa napabalitaang mga hiwaga at kababalaghang nagaganap doon.
Ayon sa isang salaysay, ang imahen ni Sta. Rosa de Lima ay natuklasan ng matalik na magkaibigang Celestino Cruz na taga Sumilang at Ubaldo Intalan na taga Bagong Ilog sa kanilang daan pauwi mula sa bahay ng nililiyag nilang dalaga. Nakalanghap sila ng mabangong amoy ng bulaklak ng “dama de noche” galling sa yungib. Nang ito ay kanilang nilapitan, nanggilalas sila ng matambad sa kanila ang imahen sa isang giwang ng isang malaking puno.
Inuwi ng magkaibigan ang imahen sa Bagong Ilog at dinala kinabukasan sa malaking simbahan sa kabayanan. Dumagsa ang mga tao at napag-alamang ito ay imahen pala ni Sta. Rosa de Lima. Sa paglipas ng taon, nagging makahulugan at nagbigyang-sigla ang taunang pista sa paghalinhinan ng Bagong Ilog at Sumilang na sinusundo si Sta. Rosa at maninirahan ng isang taon sa kanilang bayan. Ito ang nagbigay-daan sa pagkatatag ng parokya ng Sta. Rosa de Lima.
-
1969 – Setyembre 10. Pagkatatag ng Sta. Rosa de Lima na sumasakop sa mga Barangay ng Bagong Ilog at Sumilang.
-
1970 – Hulyo. Pagkilala kay Fr. Sixto Ramirez bilang unang Kura Paroko.
-
1971 – Mayo. Paghalili ni Msgr. Danilo Pascual bilang bagong Kura Paroko.
-
1972 – Marso. Pagbuo ng Sta. Rosa de Lima Cooperative Credit Union Inc.
-
1975 – Abril. Ang unang “Sunduan” ay naganap na siyang naging pangunahing tradisyon sa pista ng mahal na patrona Sta. Rosa de Lima.
-
1977 – Marso 11. Ang parokya ng Sta. Rosa de Lima ang naging lugar ng ordinasyon ni Rev. Fr. Marcel Prudente.
-
1979 – Agosto 25. Pagbasbas ni Jaime Cardinal Sin ng kasalukuyang simbahan.
-
1980 – Hunyo 21. Ang pagbubukas ng Sta. Rosa de Lima Learning Center. Tinawag itong Sta. Rosa Parochial School noong 1980.
-
1983 – Nobyembre 6. Pagkilala kay Msgr. Isidro Jose bilang Kura Paroko.
-
1986 – Pagbuo ng Rt. Rev. Msgr. Isidro Jose ng Sta. Rosa de Lima Foundation Inc.
-
1990 – May 4. Paghalili ni Msgr. Rodolfo Gallardo bilang bagong Kura Paroko.
-
1994 – pagpapagawa ng apat na palapag na gusali ng Sta. Rosa Parochial School.
-
2004 – Pebrero 24. Pagkilala kay Rev. Fr. Pedro Enrique Rabonza IV bilang Kura Paroko.
-
2008 – Setyembre 23. Paghalili ni Rev. Fr. Mar Baranda bilang bagong Kura Paroko.
-
2015- July 20. Paghalili ni Rev. Fr. Arnold Eramis bilang bagong Kura paroko ng SRDL.
Awit Kay Sta. Rosa de Lima
KORO: Santa Rosa de Lima
Aming Butihing Patrona
Iadya mo kaming lagi na
Sa salot at kapansanan
Sa laot ng karamdamang
Daratal sa aming tahanan
-
Isinilang kang kay ganda
Sa Lima, Peru ay mutya
Ang katulad mo’y rosas ng pagsinta
At tanan sayo’y nahalina.
-
Isabel ang piling ngalan
Nang ikaw ay bininyagan
Dahil sa rosas wangis at kariktan
Ang Rosa naging palagian. (koro)
-
Rosas kang ubod ng bango
Halimuyak mo’y pagsuyo
Ang pag-ibig mo at ng iyong puso
Inialay ng buo kay Kristo.
-
Nang ika’y munting bata pa
Namulat ka sa pagsamba
Nag-ayuno ka at nagpenitensya
Nang wagas sa puso’t kalul’wa. (koro)
-
Nang ganap ka nang dalaga
Nag-ibayo ang panata
At buhay ni Santa Cath’rine de Sienna
Ang siyang tinularan t’wina.
-
‘Sang araw may pumuna
Sa kutis mong pambihira
Dagling namuhi sa sariling ganda
Kung kaya’t katawa’y dinusta. (koro)
-
Upang matularan lamang
Ang pasyon ni Kristong hirang
Manipis na pila, hugis-bilugan
Sa ulo’y pinakong lagian.
-
Ang lagi mong panalangin
Sa Panginoong Diyos natin
Sana’y dagdagang hirap at tiisin
Nang sa ‘yong puso’y marapatin.
-
Sa isa mong pangitain
Kagandahan mo’y napansin
Ni Hesukristong laging mairogin
Na ikaw ang kab’yak , kapiling.
-
Sa gulang tatlumpu’t-isa
Sumakabilang buhay ka
Katuwaan mo’y wagas, walang hanggan
Sapagka’t mithi’y natupad na. (koro)
-
T’wing ika-dal’wamnpu’t-tatlo
Buwan ng Agosto’y marapat
Na ipagdiwang, purihin ng lahat
Ng santang matapat.
-
Ang dinanas mong pasakit
Ay abot hanggang sa langit
Ang Panginoon sa’yo ay naakit
Biyaya Niya’y iyong nakamit. (koro)
-
Sa aming nayo’y sugo ka
Ng ating Poong Bathala
Itinalagang sa ‘mi’y aaruga
Sa mga kampong masasama.
-
Sa yungib ‘ka’y natagpuan
Sa ami’y dalampasigan
Nang dal’wang mangingisdang nagulantang
Sa tanglaw noon lang namasdan. (koro)
-
Ang dal’wa nga’y nag-uunahan
Sa pag-aangki’t karapatan
Ang isa’y tubo sa nayong Sumilang
Ang isa’y ditto ang tahanan.
-
At ang napag-kasunduan
Sa bawa’t tao’y salitan
Sa pagdiriwang ng ‘yong kapistahan
At sila’y kap’wa nasiyahan. (koro)
-
Aming mga panawagan
Sana ay laging pakinggan
Na idudulog sa D’yos Amang Hirang
Nang kami’y kanyang kaawaan. (koro)
Novena para kay Sta. Rosa
Butihing Sta. Rosa de Lima, / mabunying Patrona ng aming parokya, / sa pamamagitan ng iyong kabanalan / sa gitna ng mga pagsubok at hilahil sa daigdig na ito / ay inaakit mo ang mga tao sa pagbabalik-loob sa Diyos / at sa pagtahak sa landas ng kabanalan. Ang iyong kabanalan noong ikaw ay nabubuhay pa / ay malakas na batubalani na humihikayat sa lahat / na ikaw ay pamarisan at sundan. Kapuri-puri ang iyong kababaang-loob / at kahanga-hanga ang iyong pagkamatiisin / at pagmalasakit sa mga nangangailangan.
Isinasamo namin sa iyong pamamagitan / na kami’y iyong paginhawain sa karalitaan, / palakasin laban sa mga pagsubok, / pasiglahin sa pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos / at pagsasagawa ng kabanalan at tulungan mo kami na makamit ang biyayang ito……
(banggitin ang kahilingan)
Dakilang Sta. Rosa de Lima, / gabayan mo ang aming parokya at ang bawat isang taga rito. / Sa iyong pamamatnubay, / makapagtatag nawa kami ng isang sambayanan ng Diyos / na katatagpuan ng malalim na pananampalataya, / matatag na pag-asa, at maalab na pag-ibig sa Diyos at sa isa’t-isa / at maligayang naglalakbay na sama-sama / patungo sa kahariang walang hanggan ng Ama. / Ang lahat ng ito ay hinihiling namin sa pamamagitan ni Hesukristong Panginoon. Siya nawa.